Miyerkules, Enero 25, 2012

Mga Hanguan ng Impormasyon

MGA HANGUAN NG IMPORMASYON


Ayon kina Mosura, et al. (1999), ang mga hanguang primarya (primary sources) ay:

  Mga individwal  awtoridad,
  Mga grupo o organisasyon tulad ng pamilya, asosasyon, unyon, fraternity, katutubo o mga minorya, bisnes, samahan, simbahan at gobyerno,
  Mga kinagawiang kaugalian tulad ng relihiyon at pag-aasawa, sistemang legal at ekonomik at iba pa, at
  Mga pampublikong kasulatan o dokumento tulad ng konstitusyon, batas-kautusan, treaty o kontrata at ang lahat ng orihinal na tala, katitikan sa korte, sulat, jornal at taalarawan o dayari.

Ang mga hanguang sekondarya (secondary sources) naman ay:

a. Mga aklat tulad ng diksyunaryo, ensaklopidya, taunang-ulat o yearbook, almanac at atlas,
b. Mga nalathalang artikulo sa jornal, magazin, pahayagan, at newsletter,
c. Mga tisis, disertasyon at pag-aaral ng fisibiliti, nailathala man ang mga ito o hindi, at
d. Mga monograf, manwal, polyeto, manuskrito at iba pa.

Hanguang Elektroniko o Internet

Ø  Maituturing ang internet ngayon bilang isa sa pinakamalawak at pinakamabilis na hanguan ng mga informasyon o datos.
Ø  Sa isang pindot lamang ng daliri ay may mayamang informasyon ka nang makukuha.
Ø  Ang teknolohiyang ito ay bunga ng kumbinasyon ng servisyong postal, telefono, at silad-aklatan.
Ø  Sa internat ay maari ka ring magpadala ng liham-elektroniko o e-mail sa alin mang panig ng mundo.

Ø  Samakatwid, mas mainam ito kumpara sa pagpapadala ng informasyon sa pamamagitan ng koreo na aabutin ng ilang araw at sa pagpunta sa mga silid-aklatan sa malalayong lugar o kaya’y pangangalap ng mga datos gamit ang telefono.
Ø  Kung ang internet ay maaaring pagkunan ng informasyon o datos, nangangahulugan lamang na malaking tulong ito sa pananaliksik.
Ø  May ilan lamang katanungan sa kawastuhan ng paggamit nito, gaya lamang ng mga ss.:
       Gaano kahalaga ang informasyong manggagaling sa internet?
       Ano-ano ang sukatan ng kahalagahan nito?

Narito ang mga ilang payo hinggil sa bagay na ito:

a.Anong uri ng website ang iyong tinitingnan?
1.       Ang web page Uniform Resource Locators (URLs) na nagtatapos sa .edu ay mula sa institusyon ng edukasyon o akademiko.
        Halimbawa:   http://www.university_of_makati.edu/

2.       Ang .org ay nangangahulugang mula sa isang organisasyon at ang .com ay mula sa komersyo o bisnes.
        Halimbawa:                
                          www.knightsofcolumbus.org
                           www.yahoo.com
3.       Ang .gov ay nangangahulugang mula sa institusyon o sangay ng pamahalahaan.
        Halimbawa:  www.makaticity.gov
                                 http://www.tourism.gov/

b. Sino ang may akda?
          Mahalagang malaman kung sino ang may-akda ng isang informasyon sa internet nang sa gayo’y masuri kung ang informasyon ay wasto at kumpleto. Kadalasan kasi ay kalakip ng informasyong isinulat ng may-akda ang kanilang mga kredensyal at kwalifikasyon. Kung gayon, maaaring iverifay ang mga informasyon hinggil sa kanilang pagkatao. Kung wala ito, mahirap paniwalaan ang kanilang akda.



c. Ano ang layunin?
          Alamin ang layunin ng may akda kung bakit naglunsad o naglabas ng website. Nais bang magbahagi ng informasyon o magbenta lamang ng produkto? Alalahaning napakaluwag ng pagpasok ng mga informasyon sa internet. Samaktwid, maaari rin itong magamit sa pagpapakalat ng maling propaganda at mga pansariling interes.
d. Paano inilahad ang informasyon?
            Ang teksto ba ay pang-advertising o opinyon lamang? Alamin din kung may bias at prejudice ang teksto.

e. Makatotohanan ba ang teksto?
         
          Alamin kung ofisyal o dokyumented ang teksto. Pag-aralan kung ang pagkakasulat ay maayos o kung wasto ang baybay at gramatika. Subukan din kung ang website ay maaaring ihalintulad o iugnay sa ibang website  nang sa gayo’y maikumpara ito sa ibang nang matimbang kung ang tekstong laman nito ay wasto o hindi.

f. Ang informasyon ba ay napapanahon?
        Mainam kung ang informasyon ay napapanahon. Marapat na nakalagay ang petsa ng pinakahuling revisyon ng akda  nang sa gayon ay malaman kung ang akda ay bago o hindi.
         Gamitin ang mga payo o tips na nailahad sa pag-eevalweyt ng mga informasyon o datos. Mahalaga ito upang maging akyureyt ang pagsulat ng pananaliksik.


Pangangalap ng informasyon o datos:

  1. Una, tukuyin kung anong uri ng informasyon o datos ang kailangan gayundin ang klasifikasyon kung saan maaaring matagpuan ito sa silid-aklatan.
               
                Halimbawa:
                                Tanong: Ano ang obsesyon?
                                a. Informasyong hahanapin
                                                1. pagkakaiba o pagkakatulad sa hilig, gusto at adiksyon
                                                2. kailan masasabi na may obsesyon

b.      Mga posibleng sanggunian
                                1. ensayklopidya, aklat sa medisina at sikolohiya
                                2. mga artikulo at kolum sa pahayagan at magazin
                                3. mga artikulo sa mga profesyunal na jornal
                                4. panayam sa mga eksperto

TATLONG YUGTO NG PANANALIKSIK SA SILID-AKLATAN

Yugto 1: Panimulang paghahanap ng kard katalog, sangguniang aklat, bibliografi, indeks at hanguang elektroniko o internet.

Yugto 2: Pagsusuri na kinasasangkutan ng browsing, skimming at scanning ng mga aklat at artikulo at ng pagpili ng citation mula sa mga babasahin.

Yugto 3: Pagbabasa at pagtatala mula sa aklat, sanaysay, artikulo, computer printouts, at iba pang sanggunian.

                Ang tatlong yugtong ito ay dapat sundin kung gusto ng isang mananaliksik na maging sistematiko ang kanyang pananaliksik. Talakayin natin ang unang yugto – ang panimulang paghahanap.


Maliban sa mga aklat na  nasa loob ng silid-aklatan, makabubuting sumangguni rin sa mga magazin, dyaryo, at iba pang babasahin.

                Kaugnay ng paghahanap ng mga kard katalog, kailangang batid ng isang mananaliksik kung anong uri ng kard katalog ang kanyang kailangan at hahanapin. Dahil nga sa kalawakan ng koleksyon ng mga libro, sadyang inihanda ang isang tanging lugar sa

aklatan na dapat na unang lapitan ng mga mananaliksik . Sa ngayon, ang kard atalog ay hindi na lamang mga kabinet na nakaayos ng alfabetikal kundi nakaprograma na rin ito sa mga kompyuter (kung ang aklatan ay moderno na).
                                Tinukoy nina Bernales, et al. (2001) ang mga sumusunod na uri at gamit ng kard katalog sa aklat nilang Pagbasa at Pagsulat sa Iba’t Ibang Disiplina.

1.       Kard ng Paksa (Subject Card) ang dapat hanapin kung ang malinaw pa lamang sa mananaliksik ay ang kanyang paksang tatalakayin.
Nangunguna sa entri ng kard na ito ang mismong paksa bago pa ang ibang informasyon tulad ng awtor at pamagat ng libro.

2.       Kard ng Awtor (Author Card) ang kailangang tingnan kung ang mananaliksik ay may naiisip na agad na awtor na awtoridad sa kanyang paksa. Nangunguna sa entri ng kard na ito ang pangalan ng awtor bago pa ang ibang entris.

3.       Kard ng Pamagat (Title Card) ang pinakalapitin ng mga mananaliksik na hindi pa tukoy ang paksa o awtor na gusto nilang saliksikin, kung kaya parang naghahanap pa sila ng kanilang paksa sa mga librong familyar sa kanila.

                Sa ikalawang yugto, pagsusuri ng mga nakuhang informasyon o datos ang dapat isagawa. Gamitin ang mga kasanayang browsing, skimming, at scanning sa mga aklat at artikulong posibleng magamit sa pagsulat ng pananaliksik. Alamin kung ito’y may kaugnayan sa paksang tinalakay at makatutulong sa isinasagawang pananaliksik.

Sa bahaging ito, ang mga napiling informasyon o datos ay kailangang salain upang malaman kung magagamit ito, gayundin ang dapat gawin sa mga sangguniang hindi makatutulong sa pananaliksik. Gamitin ang mga sumusunod na gabay na tanong sa pagsusuri ng mga nakalap na sanggunian.

1.       Ano ang kaugnayan nito sa paksa?
                                                Isinasagawa ang pananaliksik upang tugunan ang isang paghahanap o pangangailangan. Tiyaking ang mga informasyon sa mga sanggunian ay
tumatalakay sa paksa ng pananaliksik. Magagamit mo ba ang aklat ukol sa sayaw na pinamana ng mga dayuhan halimbawa sa paksang katutubong sayaw?

2.       Mapagkakatiwalaan ba ang may-akda at tagapaglathala?
                                Hindi mo nanaising pagdudahan ang iyong gawa, hindi ba? Kung gayon makabubuti kung ang sumulat ng mga sanggunian ay mapagkakatiwalaan o mga awtoridad sa paksa. Tingnan kung may sapat na kaalaman at karanasan ang mga akda sa kanyang paksang sinusulat.
Pakaisipin mo: Gaano kahalaga ang  informasyong makukuha ukol sa pag-awit mula sa akdang isinulat ng isang mananayaw?

3.       Makatotohanan ba ito?
                                Ang pagiging makatotohanan ay hindi lamang nasusukat sa may-akda. Ang totoo noon ay maaaring kasinungalingan na ngayon. Hangga’t maaari ay iwasan ang mga sangguniang limang taong mahigit na sa tagal, maliban kung ang sanggunian ay isang hanguang primarya.
                                Kaugnay nito, iwasang gumamit ng sanggunian mula sa tabloyd, digest at review. Bakit? Sapagkat ang mga nakalathala rito ay malamang na hindi siyentifiko ang pagkakasulat o lumaktaw sa masinop na pangangalap at pagtitiyak ng datos. Piliting gumamit ng mga sangguniang magagamit bilang mabigat at malakas na evidensya.

Ang ikatlong yugto ay ang pagbabasa at pagtatala ng ma informasyon o datos mula sa mga napiling sanggunian. Mahalaga rito sa ikatlong yugto ang pagsasagawa at paghahanda ng mga tala ng informasyon o datos.



Ang Sarvey-Kwestyoneyr

Ang sarvey ay isang malawakang paraan sa pagkuha ng mga datos o inpormasyon sa isang deskriptibong pananaliksik. Madalas itong gamitin sa pagsusuri ng kalagayan ng lipunan, pulitika, at edukasyon. Gamitin din ito sa pagkuha ng prefresensya, pananaw, opinyon, damdamin, paniniwala ng isang partikular na sampol ng mga respondente na kumakatawan sa kabuuang populasyon ng isang pangkat. Maaari itong isagawa sa pamamagitan ng pagpapasagot sa mga respondente ng inihandang kwestyoneyr o di kaya’y sa pamamagitan ng pagtawag sa telepono o personal na pakikipag-usap sa mga taong kaugnay sa nasabing pananaliksik.

Ayon kay Good (1963) ang kwestyoneyr o talatanungan ay listahan ng mga planado at pasulat na tanong kaugnay ng isang tiyak na paksa, naglalaman ng mga espsyong pagsasagutan ng mga respondente at inihanda para sasgutan ng maraming respondente.

Sa madaling sabi, ang kwestyoneyr ay isang set ng mga tanong na kapag nasagutan nang maayos ng kailangang bilang ng piniling respondente ay magbigay ng mga inpormasyong kailangan upang makumpleto ang isang pananaliksik (Calderon at Gonzales, 1993).

Ang kwestyoneyr ang pinakamabisa at pinakamadaling instrumento ng sarvey. Sa mga pananaliksik na pampaaralan ay napakagmitin nito dahil sa mga taglay nitong adventahe. Ngunit may mga dis-adventahe ren ito na dapat isaalang-alang ng sinumang mananaliksik.

_Mga Adventahe at Disadventahe ng Kwestyoneyr_   
Mga Adventahe:
Ø  Ang distribusyon nito ay madalli at hindi magastos.
Ø  Ang mga sagot ng mga mga respondente ay madaling itabyuleyt.
Ø  Ang mga sagot ng mga respondente ay malaya.
Ø  Maaring magbigay ng mga kunfidensyal na impormasyon ang mga respondente.
Ø  Maaring sagutan ng mga respondente ang kwestyoneyr sa oras na gusto nila.
Higit na akyureyt ang mga sagot ng respondent

Mga Disadventahe:
Ø  Hindi ito maaring sagutan ng mga hindi marunong bumasa at sumulat o mga ilitereyt.
Ø  Maaaring makalimutang sagutan o sadyang hindi sagutan ng ilang respondente ang kwestyoneyr. Mangangailangan pa ito ng pagpapaalala o follow-up ng mananaliksik.
Ø  Maaaring magbigay ng maling impormasyon ang respondente, sinasadya man o hindi.
Ø  Maaaring hindi sagutan o masagutan ng respondente ang ilang aytem ng kwestyoneyr.
Ø  Maaaring hindi maintindihan ng respondente ang ilang katanungan sa kwestyoneyr.
Ø  Maaaring maging napakalimitado ng pagpipiliang-sagot ng mga respondente at ang kanyang tunay na sagot ay wala sa pagpipilian.

Mga Tagubilin sa Paggawa ng Kwetyoneyr
Upang matiyak ang tagumpay sa pangangalap ng mga datos at impormasyon sa pagsasarvey, iminumungkahi naming isaalang-alang at tupdin ang mga sumusunod na tagubilin sa paggawa ng kwestyoneyr:
Ø  Simulan ito sa isang talata ang magpapakilala sa mananaliksik, layunin ng pagsasarvey, kahalagahan ng matapat at akyureyt na sagot ng mga respomdente, takdang-araw na inaasahang maibabalik sa mananaliksik ang nasagutang kwestyoneyr, garantiya ng anonimiti, pagpapasalamat, at iba pang makatutulong sa paghikayat sa respondente ng koopersasyon.
Ø  Tiyaking malinaw ang lahat ng panuto o direksyon.
Ø  Tiyaking tama ang gramar ng lahat ng pahayag sa kwestyoneyr.
Ø  Iwasan ang mga may-pagkiling na katanungan.
Ø  Itala ang lahat ng posibleng sagot bilang mga pagpipilian.
Ø  Tiyaking nauugnay ang lahat ng tanong sa paksa ng pananaliksik.
Ø  Iayos ang mga tanong sa lojikal na pagkakasunod-sunod.
Ø  Iwasan ang mga tanong na mangangailangan ng mga konfidensyal na sagot o mga nakahihiyang impormasyon.
Ø  Ipaliwanag at bigyang-halimbawa ang mga mahihirap na tanong.
Ø  Iayos ang mga espasyong pagsasagutan sa isang hanay lamang. Iminumungkahing ilagay iyon sa kaliwa ng mga pagpipilian.
Ø  Panatilihing anonimus ang mga respondente.



Source:

Bernales, Rolando, Atienza, Glecy, Talegon, Vivencio Jr., at Rovira, Stanley. 2006.  Kritikal na Pagbasa at
Lohikal  na Pagsulat Tungo sa Pananaliksik. Valenzuela City: Mutya Publishing Hiuse Inc.


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento